MANILA, Philippines - Magandang balita para sa mga motorista dahil maaari na nilang daanan ang ilang bahagi ng Ninoy Aquino International Airport Expressway (NAIAEx) matapos na pormal na itong buksan sa publiko kahapon.
Batay sa ulat ng Department of Transportation (DOTr), dakong alas-12:01 ng madaling araw nang buksan sa publiko ang NAIAEx na nag-uugnay sa NAIA Terminal 1 at 2 sa Parañaque-Macapagal-PAGCOR Ent. City sa Pasay City.
Inaasahang makatutulong ang naturang proyekto upang mapagaan ang daloy ng trapiko sa paligid ng airport complex.
Kaugnay nito, libre muna ang toll fee ng expressway para sa mga motorista na gagamit nito sa loob ng isang buwan.
“NAIAEx linking Terminals 1 & 2 in Parañaque- Macapagal-PAGCOR Ent. City in Pasay is now OPEN. Toll is FREE for the 1st month,” anang DOTr.
Inaasahan naman ni DOTr Secretary Arthur Tugade na ang buong NAIAEx project, na nagkakahalaga ng P17.9 bilyon, ay tuluyang makukumpleto bago matapos ang taong 2016, at bubuksan na ang lahat ng flyovers nito na mag-uugnay sa NAIA Terminal 1,2,3,4 at kukonekta sa South Luzon Expressway (SLEX), Sales Interchange, Manila-Cavite Expressway (CAVITEX) at Macapagal Boulevard.
Mismong si DPWH Secretary Mark Villar ang nagda-drive ng pick-up truck na nanguna sa unang batch ng mga motorist na bumaybay sa bagong elevated expressway na nagdudugtong sa Macapagal Avenue sa Pasay City patungong NAIA Terminal 1 at 2 in Parañaque City eksakto alas-12:01 ng madaling araw.
Ang NAIA Expressway Project ay four-lane, 12.65-kilometer elevated expressway (kasama na rito ang ramps) at ang 2.22-kilometer at-grade road na daraan sa Sales Avenue, Andrews Avenue, Parañaque River, MIAA Road at Diosdado Macapagal Boulevard.