7 bulagta sa anti-drug operation sa Quezon City
MANILA, Philippines - Pito katao na may kinalaman sa iligal na droga ang nasawi matapos na umano’y manlaban sa ikinasang buy-bust operation ng Quezon City Police District (QCPD) sa Brgy. Matandang Balara sa lungsod, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni QCPD Acting District Director P/Senior Supt. Guillermo Eleazar, nakilala ang mga nasawi na sina Jeffrey Mendoza, 30; Elmer James Gayoso, 30; at ang dalawa ay may mga alyas na Kuya Boy at Francis. Habang patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng tatlo pang nasawi na pawang nasa mga pagitan ng edad na 30 hanggang 40-anyos.
Ayon kay Eleazar, naka-engkwentro ng mga suspect ang mga operatiba mula sa QCPD Police Station-6 na pinamumunuan ni P/Supt. Lito Patay.
Sa pagsisiyasat ni PO3 Louie Serbito, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa isang bahay sa Samaba Road, Dupax St., Brgy. Matandang Balara QC, dakong alas-12:05 ng madaling araw.
Bago ito, ikinasa ng mga operatiba ng Station Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Group (SAID-SOTG) ng PS-6 sa pamumuno ni P/Insp. Mario Pascual at 14 pang personnel nito ang isang buy-bust-operation laban kay Kuya Boy kung saan nagpanggap na bibili ng halagang P200 shabu si SPO1 Noel Cortel.
Matapos ang palitan ng items, nakatunog umano si Kuya Boy na parak ang kanyang katransaksyon kaya bigla nitong binunot ang kanyang baril at pinaputukan ang huli.
Sa pamamaril ni Kuya Boy ay tiyempong nasa loob din umano ng nasabing bahay ang iba pang mga suspek at nakisali na rin sa pamamaril sa mga awtoridad na gumanti na rin ng putok at ikinasugat ng mga una.
Nagawa pang maitakbo ng mga operatiba sa East Avenue Medical Center ang mga suspek pero idineklara din silang dead on arrival.
Narekober ng mga awtoridad sa crime scene ang limang kalibre 45 at dalawang kalibre 38 mga baril, gayundin ang mga piraso ng sachet ng shabu.
- Latest