MANILA, Philippines - Nasa mahigit 1,000 truckloads ng basura ang nakolekta ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) mula sa mga estero at creeks sa buong Kalakhang Maynila.
Ito ay kaugnay ng mariing kautusan ni MMDA General Manager Tim Orbos na higit na paigtingin ang paglilinis sa mga daluyan ng tubig dahil sa banta ng La Niña at pagtaas ng tubig baha tuwing umuulan na nagiging sanhi ng matinding trapik sa mga pangunahing lansangan.
Dahil ang mga basurang itinatapon ng mga walang disiplina at pasaway na mamamayan ay napupunta sa mga daluyan ng tubig na siyang sanhi nang pagbara.
Simula noong buwan ng Hulyo hanggang sa kasalukuyan sa ilalim ng programa ng “Estero Blitz” ay nasa 1,453 truckloads o 11,742 cubic meters na mga basura ang nakolekta ng MMDA Flood Control and Sewerage Management Office (FCSMO) mga creek at daluyan ng tubig.
Ang naturang mga basura ay nakolekta mula sa Maytunas Creek sa Mandaluyong City, Estero de Magdalena at Roxas Canal sa Maynila, Tanigue Creek, Pasong Malapad Creek sa Caloocan City at Dario Creek sa Quezon City.