MANILA, Philippines – Inianunsyo kahapon ng pamunaun ng Department of Transportation (DOTr) na bubuksan na nila sa mga motorista sa susunod na linggo ang unang phase ng Ninoy Aquino International Airport Expressway (NAIAX).
Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, ang Phase 1 ng NAIAX project, na nagkakahalaga ng P17.9 bilyon ay nakatakdang buksan sa publiko sa Setyembre 22.
Inaasahan ni Tugade na bago matapos ang taong kasalukuyan ay mabubuksan na ang lahat ng flyovers nito na mag-uugnay sa NAIA Terminal 1, 2, 3, 4 at kukonekta sa South Luzon Expressway (SLEX), Sales Interchange, Manila-Cavite Expressway (CAVITEX) at Macapagal Boulevard.
Inihayag din ni Tugade ang magandang balita hinggil sa pagbibigay ng concessionaire ng proyekto ng libreng toll fee sa mga motorist na dadaan sa lugar, sa loob ng isang buwan.
Aniya, nakausap na niya ang concessionaire ng proyekto at sinabing handa silang magsakripisyo ng isang buwang koleksyon sa toll fee sa pagbubukas ng naturang expressway.
Nabatid na ang proyekto ay ini-award sa San Miguel Corp. (SMC), sa pamamagitan ng subsidiary at concession firm na Vertex Tollways Development Inc. at ang civil works contractor ay ang DM Consunji Inc.
Sakop ng kasunduan ang 30-taong concession period, kung saan ang toll fees ay posibleng pumalo ng P35 hanggang P45 sa unang dalawang taon at magkakaroon na lamang ng adjustment tuwing ikalawang taon.