Makati City hall, iskul sa Quezon City, binulabog ng bomb threat
MANILA, Philippines – Nabulabog ang mga kawani ng Makati City at sandaling sinuspinde ang operasyon nito dahil sa natanggap na “bomb threat” kahapon ng umaga sa naturang lungsod.
Ayon kay Richie Rodriguez, ng Disaster Risk Reduction Management Office, alas-9:56 ng umaga nang mataggap ang “prank call” mula sa hindi kilalang lalaking caller na nagsabing may sasabog na bomba sa naturang lugar.
Dahil dito kaagad na pinalabas ang mga kawani sa kanila-kanilang tanggapan.
Mabilis namang isinagawa ng pulisya ang inspeksyon sa gusali kung saan nagnegatibo ito sa bomba.
Alas-11:00 ng umaga ay bumalik naman sa kanilang trabaho ang mga kawani at nagbalik normal na rin ang operasyon nito.
Samantala, nabulabog din ang mga mag-aaral at mga guro ng Don Alejandro Roces Sr., Science-Technology High School sa Quezon City matapos ang bantang pagpapasabog sa kanilang paaralan, kahapon.
Ayon sa ulat, unang kumalat sa Facebook, na umikot sa mga estuyante at guro kahapon ng umaga sa pamamagitan ng text messages, kung saan nakasaad na sa ganap na alas-2 ng hapon ay may magaganap na pagsabog sa nasabing paaralan dahil nagsilid sila sa bag ng improvised bomb at ikinalat sa buong paaralan. Nagmula ang naturang mensahe sa isang nagpakilalang Kreggo.
Agad namang rumisponde ang tropa ng Quezon City Police District (QCPD) bomb squad, kasama ang ilang K-9 unit at sinimulang inspeksyunin ang nasabing paaralan, dakong alas-6 ng umaga hanggang kalaunan ay napag-alamang negatibo ito.
Naniniwala naman si QCPD Acting District Director P/Senior Supt. Guillermo Eleazar na ang banta ay gawa-gawa lamang ng mga manloloko o walang magawa sa buhay.
- Latest