MANILA, Philippines - Kasunod ng malagim na pagsabog sa lungsod ng Davao, nagpapakalat ngayon ang Northern Police District (NPD) ng mga “flyers” o pulyetos na nagla-laman ng mga impormasyon ukol sa bomba para sa publiko.
Ito ay kasabay ng panawagan ni NPD Director Roberto Fajardo sa mga mamamayan ng CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) na maging alerto at iulat ang anumang kahina-hinalang aksyon na mamamatyagan.
Nilalaman ng “Paalala para sa Kaligtasan” ang mga impormasyon ukol sa Improvised Explosive Device (IED), mga safety tips, at hotline numbers ng pulisya.
Makakatulong umano ang mga flyers upang matukoy at mapigilan ng publiko ang mga posibleng pag-atake at pagpapasabog lalo na sa mga matataong lugar.