Checkpoint tinakasan: Parak, 1 pa utas
MANILA, Philippines - Isang pulis at isang sibilyan ang bumulagta mula sa sinasakyang motorsiklo sa naganap na shootout sa pagitan ng mga awtoridad makaraang takasan ng mga ito ang inilatag na checkpoint ng Manila Police District-Station 9, sa Malate, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Naisugod pa sa kalapit na Ospital ng Maynila subalit kapwa idineklarang dead on arrival ang mga biktimang sina PO2 Manuel Fuentes Lim, 34, ng Villa Corpina Tandang Sora, Quezon City at Alexander Escobal, 40, ng Malate, Maynila bunga ng mga tinamong tama ng bala sa katawan.
Sa ulat ni PO3 Marlon San Pedro ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-9:20 ng gabi nang maganap ang insiden-te sa northbound lane ng M. Adriatico St., Maynila.
Ayon sa hepe ng Adriatico Police Community Precinct (PCP) na si C/Insp. Wilson Villaruel, nagsasagawa sila ng checkpoint na lalo pang pinaigting dahil nasa full alert ang kapulisan kaugnay sa Davao bombing.
“Wala kasi silang helmet kaya dun sa nakalatag na checkpoint sa unahan dun sila unang sinita, nang humarurot hinabol namin dahil nandoon kami sa kabilang dulo at unang nagpaputok yung backride.
Nakasibilyan sila at nakabullcap, walang helmet,” ani C/Insp. Villaruel.
Hawak ng MPD ang pi-naniniwalaang service firearm ni Fuentes na Pietro Beretta caliber 9 mm, isang kalibre 22 at motorsiklo na kulay pula, Rusi (ND-52424). Bineberipika pa kung saan nakadestino ang nasabing pulis.
Inaalam din kung bakit nasa lugar ang dalawa na kapwa may bitbit na baril.
Sa rekord ng MPD, nabatid na noong Hulyo noong nakalipas na taon nang arestuhin ng kaniyang mga kabaro si PO2 Fuentes matapos makatakas ang ‘hinulidap’ na tricycle driver na kinikikilan ng P20,000, na dinukot sa Quezon City at idinetine sa Tondo, Maynila.
- Latest