MANILA, Philippines - Utas ang isang babae na kilalang gumagamit ng iligal na droga at hinihinalang asset umano ng pulisya nang pagbabarilin ng mga hindi nakilalang salarin sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Nakilala ang nasawi na si Maricon Escario, 26, ng Teacher’s Village, Pampano Street, ng naturang lungsod.
Sa ulat, dakong ala-1:20 ng madaling araw nang matagpuan ang bangkay ni Escario na may tama ng bala sa katawan sa may kanto ng Salmon at Pampano Streets sa Brgy. Longos.
Nabatid na unang sinundo ang biktima ng isang lalaking nakamotorsiklo nitong nakaraang Huwebes ng hapon at hindi na nakabalik ng bahay.
Aminado naman ang mga kaanak ng biktima na drug user ang nasawi at pinakiusapan na nilang sumuko sa ilalim ng ‘Oplan Tokhang’. Nabatid rin na dati umanong informer ang nasawi na ginagamit ng mga pulis upang magturo ng mga tulak sa kanilang mga operasyon.