MANILA, Philippines – Isang pinaniniwalaang drug supplier ang napatay ng mga operatiba ng Manila Police District-Police Station 4, matapos na manlaban sa ikinasang ‘Oplan Tokhang’, kahapon ng madaling araw sa Sampaloc, Maynila.
Inilarawan ni SPO4 Glenzor Vallejo, ng MPD-homicide section, ang biktima na nasa edad 35-40, may taas 5’5, katamtaman ang pangangatawan, may tattoo ng marijuana leaves sa dibdib, may tattoo na demonyo na may nakasulat na Almario at Jerry, habang sa likuran ng katawan ay may nakasulat na Samson at Peralta.
Sa imbestigasyon naganap umano ang insidente dakong alas-4:15 ng madaling araw sa may Paquita St., Sampaloc, Maynila.
Ayon kay P/Supt. Aquino Olivar, commander ng MPD-Police Station 4, ang naturang lalaki ang itinuturong source o supplier ng ipinagbabawal na droga ni Alvin Gonzales, isa sa apat na lalaking unang naaresto ng mga awtoridad sa drug operation noong Agosto 13, dakong alas-9:30 ng gabi sa Paquita Street, Sampaloc, Maynila.
Inginuso umano ni Gonzales ang nasawi at nang makumpirma na magde-deliber ito ng illegal na droga ay kaagad na ikinasa ang ‘Oplan Tokhang’.
Nang mamataan ang suspek ay kaagad itong tahimik na sinundan nina PO1 Paul John Rupinta at PO1 Jul-Mar Abdulhakim, ng University Belt Area (UBA) Police Community Precinct (PCP).
Gayunman, natunugan ng suspek ang presensya ng mga pulis kaya’t kaagad umano itong bumunot ng kalibre .38 revolver at pinaputukan ang mga pulis pero kaagad siyang tinamaan nang gumanti ng putok ang mga awtoridad.
Narekober ng mga pulis mula sa suspek ang isang kalibre .38 revolver na ginamit nito sa pamamaril at dalawang plastic sachet ng shabu at mga drug paraphernalia.