Dahil sa walang humpay na pag-ulan, Metro Manila binaha: Libu-libo inilikas
MANILA, Philippines - Malaking bahagi ng Metro Manila ang binaha dahil sa walang humpay at malakas na pag-ulan simula pa noong Biyernes ng gabi hanggang kahapon.
Dahil din dito kaya sinuspinde kahapon ang klase sa lahat ng antas.
Aabot na sa libo ang inilikas sa iba’t ibang lugar dahil sa pagtaas ng tubig at posi-bleng pag-apaw ng mga dam.
Base ito sa monitoring ng Metro Manila Development Authority (MMDA) Metro Base.
Kamakalawa pa lamang ng gabi, halos nagmistulang malaking paradahan ang ilang pangunahing lansa-ngan ng Metro Manila dahil sa matinding trapik.
Halos hindi umuusad ang mga sasakyan dahil sa baha tulad sa kahabaan ng Espanya, dahil sa mataas na tubig baha rito.
Matinding trapik din ang naranasan sa kahabaan ng EDSA mula Quezon City hanggang Pasay City.
Maraming motorista at mga commuters ang nais-tranded sa mga daan at halos hating gabi nang nakauwi ang iba rito.
Mataas na tubig baha ang naranasan din sa ilang pangunahing kalsada sa lungsod ng Caloocan, kabilang ang kahabaan ng MCU, EDSA, C-3 Road, Dagat-Dagatan at Rizal Extension Avenue partikular sa R. Papa, boundary ng Caloocan at Maynila ay hindi passable sa maliliit na sasakyan.
Sa Malabon, sinabi ni Bong Padua, Public Information office (PIO) ng lungsod, tuluy-tuloy ang kanilang mo-nitoring at nagpadala na rin ang pamahalaang lungsod ng mga rescue vehicle at rescue boats sa mga barangay na sakop ng Tullahan River partikular sa Brgy. Potrero upang umantabay dahil sa posibleng pagtaas ng tubig kung saan nagsasagawa na rin ng paglilikas sa mga residente.
Lubog din sa tubig baha ang ilang lugar sa Valenzuela City kabilang ang kahabaan ng M. H Del Pilar, Brgy. Ar-kong Bato, Mc-Arthur Highway, Dalandanan, T. Santiago Street at Karuhatan Market.
Umabot hanggang bewang naman ang tubig baha sa kahabaan ng Mc-Arthur Highway, BBB, Brgy. Marulas kung saan ilang sasakyan ang tumirik sa gitna ng baha at maraming sasakyan ang naistranded sa Tullahan Bridge na boundery ng Valenzuela at Malabon kaya napilitan ang mga commu-ters na maglakad na lamang sa gitna ng baha.
Ayon naman kay Zyan Caiña ng Public Information Office (PIO) ng Valenzuela, Biyernes pa ng gabi nagpakalat na ang pamahalaang lungsod ng mga rescue amphibians sa mga nabanggit na lugar kung saan may dalawang pamilya mula sa Brgy. Marulas ang kusang lumikas sa kanilang tahanan patuloy na rin ang pagpapalikas sa mga residenteng nakatira sa gilid ng ilog.
Pinayuhan naman ang mga residenteng nakatira sa gilid ng Tullahan River sa Caloocan,Valenzuela, Malabon at Navotas city na maging alerto dahil sa posibleng pag-apaw ng naturang ilog dala naman ng maaring pagpapakawala ng tubig ng La Mesa Dam na nasa Red Alert status na.
Ayon naman kay Navotas City Mayor Johnrey Tiangco, patuloy ang kanilang monitoring sa takbo ng panahon at gumagana rin ang lahat ng pumping station sa lungsod kaya wala napaulat na pagtaas ng tubig baha sa mga pangunahing kalsada at matataas na rin ang mga dike na pumipigil sa malalaking alon at posibleng high tide.
- Latest