MANILA, Philippines - Isinailalim na sa full alert status ang puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO), upang matiyak and seguridad kaugnay ng gaganaping kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bukas( Hulyo 25).
Ito ang inanunsyo kahapon ng umaga ni NCRPO Director P/Chief Supt. Oscar Albayalde .
Nabatid na aabot sa kabuuang 16,900 pulis ang kanilang ide-deploy sa SONA na gaganapin sa Batasan Complex, Quezon City.
Idinagdag pa nito na nasa 6,720 uniformed police personnels and ide-deploy sa bisinidad ng Batasan at Commonwealth Avenue para mapangalagaan ang seguridad ng Pangulo, mga VIP at iba pang dadalo sa okasyon. Ang iba namang puwersa ay ipakakalat sa iba pang mga lugar kabilang sa Palasyo ng Malacañang.
Sinabi ni Albayalde na bagaman wala naman silang natatanggap na mga ulat hinggil sa mga bayolenteng kilos protesta ay mas mabuti na ang nakahanda sa lahat ng oras.
Nabatid na libu-libong mga raliyista galing sa Northern Luzon at Mindanao ang inaasahang daragsa sa Quezon City kaugnay ng SONA.
Sa pahayag ng mga militanteng grupo magsasagawa ng rally sa SONA ay ang hanay ng mga katutubo, magsasaka, manggagawa, mangingisda, mga kababaihan at mga kabataan.
Ayon pa kay Albayalde, walang inaasahang mga bayolenteng aktibidad mula sa hanay ng mga raliyista ang PNP sa pagdaraos ng SONA dahilan karamihan sa mga ito ay mga supporters mismo ni Pangulong Duterte.
“The rallyists are actually supporters of our President. We take lessons from Malacañang which allows them to enter (the Palace),” anang NCRPO Director.
Samantalang hindi tulad ng mga idinaos na SONA ng mga dating Pangulo ng bansa, ayon kay Albayalde ay hindi na sila maglalagay ng mga container vans upang harangin ang mga raliyista sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
“There will be container vans but not on the road which is visible on the eyes of the public. We will have the same rerouting scheme to ensure the smooth flow of traffic,” ang sabi pa ng opisyal.