Ex-pulis patay sa drug operation

Ang dating parak na si PO3 Cesar Obligacion matapos mabaril at mapatay ng mga tauhan ng pulisya sa isinagawang drug operation sa Brgy. Pasong Tamo sa Quezon City, kamakalawa ng gabi. (Kuha ni Joven Cagande)

MANILA, Philippines - Utas ang isang dating pulis nang makipagbarilan sa mga tauhan ng Quezon City Police sa isinagawang drug operation sa   Napocor Village, Brgy. Pasong Tamo, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Supt. Victor Pagulayan, hepe ng QCPD station 3-Talipapa, ang nasawi na si ex-PO3 Cezar Obligacion, dating nakatalaga sa QCPD station 3-Talipapa. Namatay noon din ang dating parak sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng baril sa katawan.

Kaugnay nito, sinabi ni C/Insp. Nazario Fabula, ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID) QCPD station 3-Talipapa, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen na magsasagawa ng transaksyon ng droga sa naturang lugar kung saan dealer umano ang dating pulis.

Agad nagtungo sa lugar ang mga operatiba ng SAID sa pamumuno ni Fabula para alamin ang naturang ulat at habang papalapit sila sa lugar, naispatan ng mga pulis ang suspek habang nag-aabot ng isang maliit na sachet ng hinihinalang shabu sa isa nitong kostumer.

Sisitahin sana ng mga pulis ang suspek subalit agad itong bumunot ng baril saka pinaputukan ang mga pulis dahilan para gumanti naman ng putok ang mga pulis na ikinasawi ng suspek.

Show comments