Supermarket, warehouse tupok sa sunog
MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P10 milyong halaga ng ari-arian ang naabo nang lamunin ng apoy ang gusali ng Shoppers Ville Supermarket sa Quezon City kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Senior Supt. Jesus Fernandez, city firemarshal, dakong alas-4:30 ng madaling-araw nang magsimula ang sunog sa tatlong palapag ng nasabing supermarket na matatagpuan sa Katipunan Avenue, Loyola Heights, QC.
Sa inisyal na ulat, sinasabing nagsimula ang sunog sa ground floor.
Agad namang rumisponde ang mga bumbero at nakontrol ang sunog sa ground floor dakong alas-4:45 ng madaling araw.
Subalit, dakong alas- 6:45 ng umaga, bigla na naman umanong umusok ang sa 2nd floor, na ayon kay Fernandez ay posible anyang gumapang sa air bent ang apoy mula sa ground floor patungo dito kung kaya idineklara ang ikatlong alarma.
Marami umanong mga bagay na madaling ma-sunog sa ikalawang palapag kung kaya madaling kumalat ang apoy. Ganap na alas-6:52 ng umaga nang ideklara ang sunog sa 5th alarm, bago tuluyan maapula ito dakong alas- 10:56 ng umaga.
Electrical ang tinitignan nilang sanhi ng sunog kung saan maaaring nagmula sa mga nakasaksak na appliances.
Samantala, nasa P10 milyong halaga rin ng mga ari-arian ang naabo matapos masunog ang isang warehouse at imbakan ng mga damit, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Ayon kay Fire Supt. Juanito Maslang, hepe ng Taguig City Bureau of Fire Protection (BFP), pasado ala-6:00 ng gabi nang mag-umpisang sumiklab ang apoy sa isang warehouse sa Unit 506 na inuupahan ng Ganesh Garment, na matatagpuan sa ikalimang palapag ng VFP Building, Veterans Center, Brgy. Western Bicutan ng naturang lungsod.
- Latest