3 pa ‘ikinahon’ sa Maynila
MANILA, Philippines – Tatlong lalaking biktima ng salvage ang natagpuan sa magkakahiwalay na lugar sa Maynila.
Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, unang nadiskubre dakong alas-9:25 ng gabi kamakalawa ang isang bangkay sa ilalim ng Mc Arthur Bridge sa Sta.Cruz, Maynila. Nababalutan ng packaging tape ang mukha nito at nakagapos ang mga kamay sa likod habang isang karatula na nakapatong sa katawan nito na may mga katagang ‘Pusher ako.’
Magkasunod naman na natagpuan ang dalawa pang bangkay kahapon ng umaga sa Bonifacio Drive, Port Area at sa gilid ng Metropolitan Theater sa Lawton, Ermita.
Isang kahon ang nakita na nasa gilid ng Bonifacio Drive, dakong alas -7:30 ng umaga, kaya ipinaalam ito sa mga security guard ng Intramuros at inireport sa pulisya.
Nang buksan ang balikbayan box ay tumambad ang bangkay na nababalutan din ng packaging tape ang mukha, may dalawang butas na sugat sa katawan, nakagapos din, at pinagkasya sa kahon sa pamamagitan ng fetal position. May nakasulat din na ‘Pusher-holdaper ako, wag tularan.’
Ikatlo ay ang kahon na nadiskubre sa labas ng Metropolitan Theater, bandang alas -5:00 ng umaga, na nakabalot din ng packaging tape ang mukha, na may nakasulat na ‘Pusher Holdaper ako huwag tularan’. may sugat din ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Malaki ang hinala ng pulisya na magkakaugnay ang tatlong insidente kung saan pinaghiwa-hiwalay lamang ang tapon.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso.
- Latest