MANILA, Philippines – Nadakip ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police-Anti Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) ang dalawang Taiwanese matapos masabat ang sinasakyan ng mga ito kung saan nasamsam sa kanila ang may 39 na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P195-M sa isinagawang operasyon sa Parañaque City kahapon.
Kinilala ang mga nadakip na suspect na sina Shien Ming Tseng, 33 at Zheng Khi Huang, 25.
Bago ito, ayon sa pulisya nakatanggap sila ng intelligence report hinggil sa iligal na gawain ng mga suspect na sinasabing miyembro ng malaking drug syndicate.
Pasado alas-12:00 ng tanghali nang magsagawa ng anti-illegal drug operation at masabat sa kahabaan ng Macapagal Avenue, Brgy. Dongalo, Parañaque City ang mga suspect lulan ng isang Toyota Innova.
Nang siyasatin ang sasakyan ng mga ito dito na tumambad ang sangkaterbang high grade quality ng shabu, na ang 13 packs ay nakalagay sa backpack at ang 26 naman ay nakalagay sa luggage.
Base pa sa intelligence report, nagkabayaran na umano sa droga sa Bangkok at idi-deliver nang masabat ito sa area ng Cavite.
Sa ngayon ay iniimbestigahan pa ang naturang insidente habang inaalam pa kung sinu-sino ang ka-transaksyon ng mga nadakip.