MANILA, Philippines – Aabot sa 18,000 pulis ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang todo bantay kaugnay ng gaganaping pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan sa Linggo, Hunyo 12 hanggang pagbubukas ng klase sa Hunyo 13 .
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni NCRPO Spokesperson Chief Inspector Kimberly Molitas, mananatili sa full alert ang kanilang tanggapan sa buong Metro Manila upang tiyakin ang seguridad sa nasabing okasyon.
Ayon kay Molitas, aabot sa 2.6 milyon ng mga estudyante ang inaasahang dadagsa sa mga unibersidad at kolehiyo bukod pa sa mga elementarya, nursery at high school sa buong Metro Manila sa darating na Lunes.
Inihayag ng opisyal na magde-deploy sila ng mga pulis sa labas ng mga university belt katuwang ang mga kinatawan ng LGUs (Local Government Units ) at mga local enforcers.
Sinabi ni Molitas na bahagi ng kanilang preparasyon ay tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyanteng magbabalik eskuwela at nakipag-ugnayan na rin ang PNP sa mga opisyal ng Department of Education (DepED) para sa maayos na pagtugon sa anumang mga problema hinggil sa masasamang elemento na nambibiktima ng mga estudyante.
Samantalang sa pagdiriwang naman ng Independence Day sa Linggo, sinabi ng opisyal ay magpapakalat ng puwersa simula sa Biyernes ang NCRPO sa limang lugar na venue ng selebrasyon.
Kabilang sa nasabing mga lugar ay ang Monumento sa Caloocan City; Luneta sa lungsod ng Maynila; Manila North Cemetery at Pinaglabanan Shrine sa San Juan.