MANILA, Philippines – Tatlong pinaghihinalaang big time drug pushers ang naaresto matapos masamsaman ng 4 kilo ng shabu sa isinagawang magkasunod na buy bust operation ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Parañaque City nitong Lunes ng gabi at kahapon ng umaga.
Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Victor Deona ang nasakoteng mga suspect na sina Amatonding Noroden Alap, 35; Mustapha Batonggara, 47; at Binnor Macabato, 19; pawang residente ng lungsod ng Maynila.
Ayon kay Deona ang mga suspek ay nasakote sa buy-bust operation na isinagawa sa kahabaan ng Bradco Avenue, Brgy. Tambo sa Baclaran, Parañaque City bandang alas-10:40 ng gabi.
Bago ito ay nagpositibo ang impormasyon ng CIDG operatives hinggil sa pagkakasangkot ng mga suspek sa talamak na pagtutulak ng droga kaya agad ikinasa ang operasyon.
Hindi na nakapalag ang mga suspect matapos dakpin ng mga awtoridad sa aktong iniaabot ang droga sa ka-deal ng mga itong poseur buyer ng CIDG sa halagang P 500,000 kada isang kilo.
Nasamsam mula sa mga suspek ang dalawang malalaking plastic na naglalaman ng 3.2 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P15M. Ayon sa opisyal ang isang kilo ng metamphetamine hydrochloride ay nagkakahalaga naman ng P5 milyon.
Sa isinagawang follow-up operations naman kahapon ng umaga, sinabi ng opisyal na nakasamsam ang kaniyang mga tauhan ng karagdagang 800 pang gramo ng shabu. Sa kabuuan, ayon kay Deona ay umaabot sa 4 kilo ng shabu ang nakumpiska ng kaniyang mga tauhan.