MANILA, Philippines – Inaresto ng pulisya ang 50 menor-de-edad para sa isinasagawang “Oplan Rody” matapos lumabag ang mga ito sa curfew sa Makati City kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Supt. Angelo Germinal, deputy chief of police for Operation, Makati City Police, alas-10:00 ng gabi nang simulan ang operation kasama ang mga barangay sa lungsod na kung saan nasa 50 katao na pawang mga menor de edad ang kanilang pinagdadampot dahil sa paglabag sa mga ordinansa.
Sinabi ni Germinal na karamihan sa mga dinampot nila ay nahuli sa mga computer shop na kung saan naglalaro ng dis-oras ng gabi at ang iba naman ay naglalaro ng skateboard sa lansangan.
Nilinaw naman ng opisyal na matagal nang may ordinansa sa lungsod, ngunit matigas ang ulo ng ilang mga residente.
Halos limang oras na nanatili sa himpilan ng pulisya ang mga nadakip matapos magpakita ang mga ito ng mga birth certificate para sa kanilang record.