MANILA, Philippines - Arestado ang No.3 Most Wanted na lalaki sa Malabon City makaraang makorner sa ikinasang operasyon sa naturang lungsod kamakakawa ng gabi.
Nakilala ang nadakip na si Jefferson Alapar, 27, binata, naninirahan sa No. 88 M. Sioson St., Brgy. Dampalit, ng naturang lungsod at nahaharap sa kasong murder.
Sa ulat ng Malabon City Police, dakong alas-5:20 ng hapon nang masakote ng siyam na tauhan ng Warrant and Subpoena Section si Alapar nang ihain sa kanya ang warrant of arrest na inilabas ni Judge Cesar Arabe ng Malabon Regional Trial Court branch 170. Hindi na nakapalag si Alapar nang paligiran siya ng mga pulis upang panagutan ang krimen na ginawa nito noong Hulyo 2010.
Samantala, tatlo pang wanted sa batas ang nadakip ng mga tauhan ng NPD sa magkakahiwalay na operasyon. Naaresto rin sa Malabon City sa Brgy. Tugatog si Rogilio Apostol, 34, dahil sa kasong attempted homicide.
Nadakip sa Brgy. Tangos, Navotas City si Felix Dela Peña, 57, nahaharap sa kasong “acts of lasciviousness, grave threats at oral defamation; habang naaresto sa Pacweld Village sa Brgy. Marulas, Valenzuela City si Eduardo Ric Santos Orduna, 29, dahil sa hindi pagsipot sa korte sa kasong kinakaharap nito.