MANILA, Philippines – Apat na suspek na sangkot sa pagtutulak ng iligal na droga ang nalambat ng mga tropa ng Quezon City Police District (QCPD) sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa lungsod, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni QCPD Director Police Chief Supt. Edgardo Tinio ang mga suspek na sina Niño Alejo alyas “Kano” 31, may asawa ng #34 San Pedro St., Brgy. Del Monte, SFDM, Quezon City; Ernesto Calinisan, 32, binata ng #29 Osmeña St. Brgy. Del Monte, SFDM, Quezon City; Edgardo Del Rosario, 47, may asawa, street sweeper; at anak nitong si Jerome Del Rosario, 22, binata, ng #73 Mapagkawanggawa St., Brgy Escopa 3, Quezon City.
Ayon kay Tinio, ang mga suspek na sina Alejo at Calinisan ay naaresto ng mga tropa ni PSupt Dario Aniasco Jr, Commander ng Masambong Police Station (PS-2) sa isang buy-bust operation sa may kahabaan ng Osmeña St., Brgy. Monte, SFDM, QC dakong 10:30 ng gabi.
Si Alejo ay nasa Top 1 drug watch ng Masambong Police Station-2 na matagal nang nasa surveilance ng nasabing istasyon. Narekober sa mga suspek ang limang piraso ng plastic sachet ng shabu.
Samantala, ang mag amang Del Rosario ay nadakip naman sa buy-bust operation ng Station Anti Illegal Drugs ng Project 4 Police Station (PS-8) ganap na alas-10 kamakalawa ng umaga sa harap ng kanilang bahay.
Sa operasyon isang ope-ratiba ng SAID ang nagpanggap na buyer ng isang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P500. Nang iabot ng mag ama ang droga kapalit ang marked money sa operatiba ay biglang nakatunog ang dalawa at nagtatakbo ang mga ito sa loob ng kanilang bahay.
Dahil dito, nagkaron ng ma-ikling habulan hanggang sa madakip ang mag-ama at masamsam pa ang apat na piraso ng plastic sachet ng shabu at isang kalibre 38 baril sa pag- aari ng matandang Del Rosario, at ang mga drug paraphernalia sa loob ng bahay ng mga ito.
Nabatid kay PSupt Richard Fiesta, Commander ng PS-8, ang matandang del Rosario ay kabilang sa watchlist na drug personalities sa Brgy. Escopa 3. Kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kinakaharap ng mga suspek habang hiwalay na kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive of Firearms and Ammunition Act) at Omnibus Election Code ang isinampa laban kay Edgardo del Rosario.