14 dinakip sa Oplan Galugad

MANILA, Philippines – May 14 na lalaki na umiinom sa kalsada ang pinagdadampot ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa isinagawang Oplan Galugad, sa isang barangay kamakalawa ng gabi.

Ayon kay P/Chief Insp. Mel­chor Rosales, ng Police Station-2, ang operasyon ay isinagawa dakong alas-11 ng gabi sa may kahabaan ng Road 1 at 2 sa Brgy. Pagasa sa lungsod.

Sabi ni Rosales, ginawa nila ang operasyon bilang pag­­papaigting sa pagpapa­tupad ng city ordinance laban­ sa mga nag-iinuman sa kalye sa lungsod.

Giit ng opisyal, nagiging ugat umano ng gulo o rambulan ang pag-iinuman sa kalye na kung minsan ay humahantong sa pagsasaksakan kung kaya dapat na ipatupad ang nasabing ordinansa.

Sa naturang operasyon, karamihan sa mga dinampot ay mga nag-iinuman sa natu­rang kalye kung saan ang iba ay wala pang damit pang-itaas. Nakapiit ngayon ang 14 na kalalakihan sa nasabing himpilan habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso laban sa kanila.

Samantala, sa barangay E. Rodriguez sa lungsod, uma­bot sa 21 katao kasama ang mga menor de edad at ang mga palaboy ang ni-rescue ng mga opisyales ng barangay at otoridad sa magdamag na operasyon kahapon.

Ayon kay Brgy. E. Rodriguez chairman Marciano Bue­na-Agua, matagal na nilang ginawa ang operasyon alinsunod sa city ordinance, subalit marami pa rin ang hindi sumusunod.

Karamihan umano sa mga nakukuha nila ay mga pala­boy na natutulog sa bangketa at mga naka-istambay sa mga computer shop at gumagala sa dis oras ng gabi.

Sa kasalukuyan, ang mga menor de edad ay dinala na ng barangay sa Social Welfare para sa counselling.

Show comments