MANILA, Philippines – Nasa 12-katao na pawang mga pipi at bingi ang binigyan ng trabaho sa loob ng Taguig City Hall bilang bahagi ng pagbibigay ng oportunidad sa mga PWDs (person with disabilities).
Itinalaga ang naturang mga bagong kawaning PWDs bilang mga “data encoders” sa ilalim ng tanggapan ng Taguig City Integrated Survey System (TCISS).
Sinabi ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na nagsilbing inspirasyon ang unang 14 na deaf-mute na empleyadong kanilang binigyan ng trabaho kaya nagtuluy-tuloy ang programa at lalo pa umano nilang palalakasin para mabigyan ng pantay na oportunidad ang mga PWDs na residente ng lungsod.
Nagbigay-daan umano ang programa para sa bagong mga posibilidad sa mga PWDs base sa Republic Act 10524 na naglalayong bigyan ng oportunidad sa trabaho ang mga may kapansanan.
Sa pagpapalakas sa pag-empleyo sa mga PWDs, hinihikayat naman ng pamunuan ng Taguig City Hall ang mga ordinaryong empleyado na mag-aral ng “sign language” upang matulungan ang mga empleyadong deaf-mute na makikipag-ugnayan sa kanila.