MANILA, Philippines – Anim katao ang dinakip matapos mahulihan ang mga ito ng shabu at mga baril sa isang anti-drug operation na isinagawa ng pulisya sa Las Piñas City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Sr. Supt. Jemar D. Modequillo, hepe ng Las Piñas City Police ang mga suspect na sina Michael Ayubo; Mark Anthony Revaya; Jerry Velarco; Romil Clavo; Silverio Talaro at Rose Ann Morante, pawang mga taga Calamansi St., Brgy. BF International CAA ng naturang lungsod.
Sa pahayag ni Modequillo, alas-10:00 ng gabi nang isagawa ng kanyang mga tauhan ang isang anti-drug operation kung saan nakumpiska sa mga suspect ang isang plastic sachet ng shabu, assorted drug paraphernalias, isang cal. 32 pistol, isang improvised shotgun at mga bala. Matapos makatanggap ng impormasyon ang pulisya hinggil sa illegal na gawain ng mga suspect.
Sa nalalapit na pag-upo ni President Elect Rodrigo Duterte, inumpisahan na ng Las Piñas City Police ang pagdakip sa mga batang pakalat-kalat sa kalsada ng hatinggabi at mga kalalakihang nag-iinuman.
Nakatikim ng sermon kay Modequillo ang grupo ng mga kalalakihang nahuli sa aktong nag-iinuman sa kalsada at ang ilan dito ay nakahubad pa.
Pinagdadampot ang mga ito dahil sa paglabag sa pinatutupad na ordinansa ng lungsod ng Las Piñas, na ipinagbabawal na mag-inuman sa kalsada.
Bukod dito, sinermunan din ang mga magulang ng mga kabataang dinampot na pagala-gala ng gabi sa kalsada at nagbanta ang Las Piñas City Police, na ang mga magulang na ng mga ito ang ikukulong pag muli silang nahuli.
Ang mga nahuling kalalakihang nag-iinuman sa kalsada ay pinag-push-up ng pulisya bilang parusa sa paglabag ng mga ito.