MANILA, Philippines – Patay ang isang 55-anyos na lalaking nagbakasyon lamang matapos ma-suffocate sa isang sunog na tumupok sa 40 kabahayan dahil umano sa natabig na kandila sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.
Nasawi noon din ang biktimang si Joselito Alcala ng Barangay, Sampalukan Kalapan, Oriental Mindoro na sinasabing nagbakasyon at nakituloy sa bahay ng kanyang kaibigan.
Sa salaysay ng saksing si Mabelyn Dechavez kay arson investigator F03 Randel Angeles, alas-1:45 ng madaling araw, nasa kasarapan ang kanilang tulog nang bigla na lamang sumiklab ang sunog sa mga kabahayan ng Sitio Mangahan, Brgy. 171, Bagombong, Caloocan City.
Mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na pawang mga gawa sa lights material at alas-3:55 na ng madaling araw nang maapula ang apoy ng mga rumispondeng mga bumbero.
Matapos ang insidente, natagpuan na lamang ng mga awtoridad ang wala ng buhay na katawan ng biktima sa loob ng banyo ng isa sa mga nasunog na bahay na pag-aari ng isang Romy Rotoni. Sinasabing napaglaruan umano ng isang bata ang nakasinding kandila sa lamay ng isang Rolando Marquez hanggang sa matabig na naging sanhi nang pagsiklab ng apoy sa mga nakasalansang mga kariton.
Tinatayang nasa P2 milyon halaga ng ari-arian ang napinsala ng sunog habang umabot naman sa 50 pamilya ang nawalan ng tahanan na pansamantalang manunuluyan muna sa coverd court ng barangay.