Lola tupok sa sunog sa Tondo
MANILA, Philippines - Isang 70-anyos na lola ang namatay sa sunog na tumupok sa may 100 kabahayan bunsod ng umano’y ‘jumper’ o iligal na koneksiyon ng kuryente, sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktimang si Victoria Mina, na sinasabing hindi na makalakad at hinihinalang nakalimutang iligtas ng kanyang mga kasama sa bahay.
Sa ulat ni SFO1 Louie Ebio, ng Manila Fire Bureau, ang sunog ay nagmula sa bahay ng isang Jocelyn Miranda, sa no. 1360-B Narcisa St. Tondo, Maynila dakong alas-3:16 ng madaling-araw.
Umakyat ang alarma sa Task Force Alpha na tumagal hanggang walong oras at idineklarang fire control dakong alas-11:12 ng umaga.
May mga bahagyang nasugatan at nasuffocate kabilang ang isang 98 an-yos na si Felisa Gomez.
Kinansela din ang pasok sa kalapit na Chang Kai Shek College.
Kaugnay nito, agad namang namahagi ng pagkain at damit ang Manila Department of Social Welfare sa pangunguna ng hepe nito na si Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan.
Naglagay din ng mga portalet na magagamit ng mga nasa relocation site gayundin ang pamamahagi ng mga gamot at vitamins na pananggalang sa mga sakit na posibleng makuha sa relocation site.
Tiniyak ni Pangan na tuluy-tuloy ang kanilang ayuda hanggat hindi naibabalik ang mga nasunugan.
Samantala, sugatan din sina F01 Daniel Resonable, na nagtamo ng 2nd degree burn sa kaliwang tuhod; Michael Lim, na nakaramdam ng pananakit sa kanyang balikat; at Russel Tacob, na nagtamo ng paso sa kanyang kanang daliri nang lamunin ng apoy ang isang commercial/residential na gusali sa Quezon City kahapon.
Ayon kay Senior Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, ang mga biktima ay nasugatan habang nagtutulong tulong sa pag-apula sa nasusunog na dalawang palapag ng gusali ng Tamagawa Metal Product and Bogart Enterprise na matatagpuan sa no.36 Matutum St., Brgy. St. Peter, na pag- aari ng isang Toh Chin Caa.
Sa pagsisiyasat, naganap ang sunog sa ground floor o varnised area ng nasabing gusali na nagsimula dakong alas-12 ng tanghali kahapon.
Sinasabing bigla na lang may nakitang usok sa nasabing lugar hanggang sa maging apoy ito at dahil may mga kemikal ay mabilis na kumalat hanggang sa ikalawang palapag.
Agad namang rumesponde ang mga bumbero pero bahagyang nahirapan ang mga ito dahil sa mga sagabal sa daanan.
Gayunman, umabot lamang ng ikatlong alarma bago tuluyang naapula ito at ideklarang fire out sa oras na ala-1:47 ng hapon.
Patuloy ang clearing operation ng BFP sa nasabing insidente upang matukoy ang sanhi ng sunog at magkano ang halaga ng napinsalang ari-arian. (May dagdag ulat si Ricky T. Tulipat)
- Latest