MANILA, Philippines – Ilang saksi ang hawak na ngayon ng Pasay City Police na makakatulong sa isinagawang imbestigasyon nito kaugnay sa nangyaring pagkamatay ng limang katao matapos dumalo sa isang concert noong nakaraang Sabado sa Pasay City.
Sa nakuhang impormasyon ng pulisya mula sa mga saksi, nakumpirmang may naganap umanong bentahan ng iligal na droga partikular ang ecstacy sa loob at labas ng venue ng concert na nagkakahalaga umano ng P1,500 bawat gamot.
Bukod dito, may nakausap na rin ang pulisya na may mga indibidwal na dumalo sa nasabing concert at inamin na sila’y gumamit ng droga bago dumalo sa concert.
Umapila kahapon si Sr. Supt. Joel B. Doria, hepe ng Pasay City Police sa publiko partikular sa mga dumalo sa concert na makipagtulungan sa pulisya sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon at kanilang nalalaman ukol sa insidente para sa ikalulutas ng kaso.
Samantala, pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang posibleng paglabag ng concert organizers partikular sa pagbebenta nito ng alak sa concert grounds.
Ayon kay Atty. Ray Glenn Agrazamendez, spokesperson ng City government, sinabi nitong hindi umano humingi ng permit ang concert organizers para sa pagbebenta ng alak sa idinaos na konsiyerto kundi ang inisyung permit lamang ay ang pagdadaos ng naturang event.
Una na ring sinabi ng concert organizer na Closeup na iimbestigahan din nila ang posibleng kanilang kapabayaan sa pag-organisa ng naturang event.
Tiniyak naman nitong handa silang magbigay ng anumang ayuda sa mga pamilya ng mga biktima.
Lumilitaw na namamaga ang vital organ ng mga biktimang sina Ken Migawa,18 at Eric Anthony Miller, 33, isang American national, ayon sa PNP Crime Lab ng Southern Police District (SPD).
Sa ngayon hinihintay pa ng PNP ang resulta sa isinagawang toxicology examinations na isinagawa sa cadaver ng ilang mga biktima.