Tsinoy comatose sa suntok
MANILA, Philippines – Masusing imbestigasyon ngayon ang isinasagawa ng Manila Police District Station 11 sa kaso ng Tsinoy na na-comatose matapos na suntukin ng isang lalaki sa panga at mabagok ang ulo nang bumagsak sa isang semantadong kalsada kamakalawa ng gabi sa Binondo, Maynila.
Ayon kay PO2 Joseph Villafranca ng MPD-Station 11, inaalam nila ngayon ang motibo sa kaso ni Kendrich David Lim, 36 ng Martinez Leyba Compound sa 928-Benavidez St. Binondo, Maynila na sinasabing sinuntok ng suspek na si Gary Fernandez, 40, may taas 5’7 at maskulado ang pangangatawan. Mabilis itong tumakas matapos ang insidente.
Batay sa imbestigasyon, naganap umano ang insidente dakong alas-11:45 ng umaga sa bisinidad ng Martinez Leyba Compound subalit nadala naman ang biktima sa Justice Jose Abad Santos General Hospital dakong alas-9 na ng gabi.
Nakita ang biktima ng kanyang kapatid na si Aldrich na nakahiga sa kanyang kama at may sugat sa mukha at naghihilik ng malakas.
Hindi umano magising ang biktima kaya napilitan ang kapatid nito na tumawag ng ambulasiya at isugod ang biktima sa pagamutan.
Nabatid naman sa security guard na si Rodolfo Delos Reyes, 32 na dakong alas-11:45 ng umaga nang makita niya ang biktima na nakabulagta sa kalsada at walang malay.
Tinulungan umano ang biktima ng ilang concerned citizen na dalhin sa kanilang bahay.
Inginuso naman ng ilang nakakita ang suspek na siyang sumuntok sa biktima at nang bumulagta ito ay sinabayan ng alis ng suspek.
- Latest