MANILA, Philippines – Binalaan ng non-profit watch group for toxic chemicals na Ecowaste Coalition ang publiko partikular ang mga magulang na maging mapili at maging alerto sa mga bibilhing school supplies para sa mga anak sa darating na pasukan sa Hunyo.
Ayon sa naturang grupo, dapat piliing mabuti ng mga magulang ang mga bibilhing gamit pampaaralan ng mga anak sa pasukan para matiyak na ligtas ito sa lead, isang kemikal na nakakasira ng utak ng tao.
Gamit ang isang portable X-Ray Fluorescence (XRF) device, napatunayan ng EcoWaste Coalition na may lead content ang 32 sa 75 school supplies na may scale na 201 hanggang 87,000 parts per million (ppm) na konti na lamang para maabot ang regulatory limit na 90 ppm.
Ngayong taon, ang mga anila’y ilan sa nasuri nilang mga “dirty dozen” school supplies na may lead na mataas sa 5,000 ppm ay ang plastic envelope na may yellow handle ( 87,000 ppm), yellow thumb tack (78,700 ppm), “Artex Fine Water Colors” set ( 62,600 ppm), plastic envelope na may red handle (36,800 ppm), orange metal water jug na may “Car” design (28,200 ppm) , “Rubber Duck” pencil pouch ( 27,800 ppm), yellow “Despicable Me” pencil pouch (22,000 ppm), PVC keychain na may ice cream design (13,100 ppm), “Ronron” school bag (7,081 ppm), yellow vinyl coated paper clip (6,015 ppm), “Minghao” school bag (5,862 ppm) at “Snoopy” school bag (5,777 ppm)
Ngayong Mayo bago magpasukan sa Hunyo ay nagsagawa ng lecture tungkol sa childhood lead poisoning at prevention ang grupo sa pangunguna ni Dr Erle Castillo, isang toxicologost sa harap ng mga magulang at kanilang mga anak sa isang day care center sa Tatalon, Quezon City.
Nagpahayag din ng pag asa ang naturang grupo na maisesentro ng bagong administrasyon ang pangangalaga sa taumbayan laban sa mga nakalalasong produkto na dapat maitigil na ang produksiyon at pagbebenta dito sa mga pamilihan.