MANILA, Philippines - Nasa 160 pamilya ang nawalan ng tirahan nang lamunin ng malakas na apoy ang 75 kabahayan matapos umanong tamaan ng kidlat ang isang antenna ng telebisyon sa isang compound sa Las Piñas City kamakalawa ng hapon.
Lumalabas sa inisyal na ulat ng Las Piñas City Fire Department, pasado alas-3:00 ng hapon nagsimula ang sunog sa isang bahay sa St. Louie Compound, Phase 2, Admiral, Brgy. Talon 3 ng naturang lungsod.
Dahil pawang gawa sa light materials ay mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay.
Tumagal ng mahigit tatlong oras ang sunog sa naturang lugar bago tuluyang naapula ito nang rumispondeng mga bumbero.
Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente habang inaalam pa ang kabuuang halaga ng mga napinsalang mga ari-arian.
Pansamantalang nanunuluyan ang mga nasunugan sa Rizal Experimental Station at inaayudahan na ang mga ito ng Las Piñas City Social Welfare Department.