MANILA, Philippines – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga pinaniniwalaang miyembro ng kalabang grupo ang notoryus na holdaper kamakalawa sa Ma-labon City.
Nakilala ang nasawi na si Elmer Gaspar, 28-anyos, at residente ng Purok-6 Hernandez Street, Brgy. Catmon, Malabon City.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang krimen dakong alas-11 ng gabi sa bahay ng biktima habang natutulog ito kasama ang live-in partner nito nang may tumawag sa kanya mula sa labas.
Tinungo ni Gaspar ang labas ngunit dito na siya pinagbabaril ng hindi nakilalang salarin. Agad na lumabas ang partner ng biktima at nakita si Gaspar na duguang nakabulagta sa sementong sahig.
Nabatid buhat sa kapatid ng biktima na si Elena na nakulong ang biktima noong nakaraang taon dahil sa kasong robbery hold-up sa Navotas City ngunit nakalaya makaraang makapagpiyansa. Miyembro rin umano ang biktima ng isang grupo ng mga holdaper sa pamumuno ng isang alyas “Jake” na napatay naman ng kalaban nilang grupong “Bulabog Gang”.