2 kelot sugatan sa pananaksak
MANILA, Philippines – Ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang isang 15 anyos na binatilyo matapos saksakin sa tiyan ng isang umano’y ‘siga’, sa Parola Compound, Port Area, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Sonny Ginay, ng Gate 14, Parola Compound, Port Area, Maynila habang tumakas naman ang suspek na kilala lamang sa lugar sa alyas na “Ivan”, nasa hustong gulang at residente ng Parola Compound.
Sa ulat ni P/Supt. Nicolas Piñon, hepe ng Manila Police District-Station 2, dakong alas-9:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa Gate 13, Parola Compound, Port Area.
Nakatayo lamang umano ang biktima sa harap ng kaniyang bahay nang biglang undayan ng saksak ng suspek sa kaliwang bahagi ng tiyan.
Sasampahan ng kasong frustrated murder at Child Abuse ang suspek na pinaghahanap na ng mga awtoridad.
Samantala, isang 32-anyos na lalaki ang pinagsasaksak din sa ulo, balikat at braso ng isang mister na nagalit nang abutang tinadyakan ang kaniyang misis na buntis, sa loob ng kanilang bahay, sa Oroquieta St., Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng umaga.
Nakaratay pa sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Ace Ocampo, ng Oroquieta St. Sta. Cruz, Maynila.
Hindi na nakatakas ang suspek na kinilalang si Joven Iringan, 34, dahil sa pagresponde ng mga barangay tanod at pulis.
Sa ulat mula sa MPD-Station 3, dakong alas-9:00 ng umaga sa loob ng barung-barong ng suspek na nasa pagitan ng terminal ng Philippine Rabbit Terminal at terminal ng Genesis Bus Transit.
Dumating umano ang suspek sa kaniyang barung-barong na narinig ang pagtatalo ng kaniyang misis at biktima na napag-alamang tinadyakan pa ang babae na 3 buwan nang buntis.
Nagdilim ang paningin ng suspek at kinuha ang kaniyang patalim at walang habas na sinaksak ang biktima.
- Latest