MANILA, Philippines – Sa selda bumagsak ang tatlo katao matapos mahuli sa aktong nagpapakalat ng mga mapanirang polyetos kay incumbent Mayor Oscar Malapitan kamakalawa ng madaling araw.
Naghihimas ngayon sa rehas na bakal sina Teodoro Salem, 37-anyos; Melchor Mandaguio, Jr, at Jake Adam Pascua, 22.
Batay sa isinampang reklamo ni Emannuel Malapitan, ret. policemen at kapatid ni Mayor Malapitan, nilabag ng mga naaresto ang Revised Penal Code para sa kasong libelo dahil sa mapanirang puri na nilalaman ng mga ipinakakalat nitong mga polyetos bukod pa ang Solid Waste Management Act dahil sa pagkakalat ng mga basura sa kalsada at Fair Election Act dahil naman sa pagpapakalat ng mga propaganda laban sa kandidato. Lumitaw sa imbestigasyon ni Caloocan Police PCP 6, Chief Inspector Leoben Ong, alas-2:45 ng madaling araw nitong Abril 14 nang masabat ng mga police mobile unit ang mga suspect habang nagpapakalat ng leaflets sa Deparo Road, Bgy. 168 habang sakay ng puting Mitsubishi Lancer na may plakang CNJ 199.
Nagpahayag naman ng simpatiya si Mayor Malapitan sa mga naarestong suspect dahil naniniwala siyang nagamit lamang ang mga ito sa mga black propaganda.
“Parehas ako lumaban nang talunin ko sila noong 2013, hindi ko kinailangan ng black propaganda para lang manalo sana naman itaas natin ang level ng pulitika sa ating lungsod,” sabi pa ni Malapitan na batay sa lahat ng pre-election surveys ay pinapaboran pa rin ng mahigit 70 porsiyento ng mga botante.