Pasig fire: 4 katao natusta
MANILA, Philippines – Apat katao na kinabibilangan ng dalawang lolo at dalawang paslit, ang nasawi sa sunog na naganap sa Pasig City, kamakalawa ng hapon.
Pasado alas-8:00 ng gabi nang matagpuan ng mga awtoridad ang mga sunog na bangkay ng mga nasawing sina Quelcy Mhiel Peligro, 4; Joe Anne Faye Peligro, 2; Fidel Lacio, 60; at Enrique Sanchez, 64, pawang residente ng E. Santos St., sa Barangay Palatiw, Pasig City.
Batay sa ulat ng Pasig Bureau of Fire Protection, pasado alas-4:00 ng hapon nang sumiklab ang apoy sa ikalawang palapag ng bahay ng isang Widney Rivas, na matatagpuan sa nabanggit na lugar at mabilis na kumalat sa may 50 kabahayan.
Unang iniulat na nawawala ang mga biktima at natagpuan na lamang ang bangkay ng mga ito habang nagsasagawa ng mopping operation ang mga awtoridad.
Umabot ng ikalimang alarma ang sunog na naapula dakong alas-5:15 ng hapon at nagresulta upang mawalan ng tahanan ang mahigit 100 pamilya sa lugar.
Nasa 50 namang kabahayan na gawa sa light materials ang naabo sa naganap na sunog.
Tinatayang aabot sa P5 milyon ang halaga ng mga ari-ariang natupok sa sunog.
- Latest