MANILA, Philippines - Isang hubad na bangkay ng babae na nakagapos ang mga kamay, napupuluputan ng packa-ging tape ang mukha, may nakakabit na nylon na lubid sa leeg, at markado ng mga pasa ang likod ang natagpuang nakasilid sa isang kulay blue na drum na lumutang sa Pasig river sa bahagi ng Ermita sa Maynila, kahapon.
Inilarawan ang biktima sa edad na 45-55, balingkinitan, maputi, shoulder length ang buhok.
Sa ulat ni SPO2 Jona-than Bautista ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-12:00 ng hapon kahapon nang mamataan nina Ricky Mamucod at Nathaniel Silva, kapwa ferry assistant sa MMDA Escolta Ferry Station ang lumulutang na drum dakong alas-12 ng tanghali.
Nang ipaalam sa nagpapatrulyang miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) ay hinila ang drum sa kabilang bahagi ng ilog sa likod ng Philippine Postal Corporation at doon nakita ang mga tipak ng bato na nakapasak sa butas ng drum at doon din nasilip ang bangkay ng babae na nakabaluktot.
Hinihinalang may ilang araw nang patay ang biktima dahil namamaga na ang katawan at hindi na rin makilala ang mukha.
Dinala ang bangkay sa Saint Rich Funeral Ser-vices para sa awtopsiya at safe keeping.