MANILA, Philippines - Patay ang itinuturing na number 8 most wanted criminal sa Metro Manila makaraang makipagbarilan sa mga pulis na naghahain sa kanya ng warrant of arrest, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.
Nakilala ang nasawi na si Jason Ariño, 37, walang trabaho, at naninirahan sa Bo. Sta. Rita, Tala, ng naturang lungsod. Nagtamo ito ng mga tama ng bala sa kanyang katawan.
Sa ulat ng Caloocan City Police, nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Station Intelligence Branch sa Bo. Sta. Rita, Tala makaraang makatanggap ng impormasyon sa mga asset sa presensya nito sa lugar. Armado ang mga pulis ng warrant of arrest sa kasong karnaping na inilabas ni Judge Georgina Hidalgo ng Regional Trial Court Branch 122.
Natunugan naman umano ng suspek ang presensya ng mga pulis kaya nagtatakbo dahilan para magkaroon ng habulan. Dalawang beses umanong nagpaputok ng baril ang suspek na naging dahilan para gumanti ng putok ang mga humahabol na awtoridad hanggang sa tamaan ito sa katawan.
Isinugod ng mga pulis sa Dr. Jose Rodriguez Hospital si Ariño sa pagamutan subalit hindi na umabot pang buhay. Narekober naman ng mga pulis ang kalibre .38 na baril na ginamit ng suspek sa engkuwentro.
Sinabi ni Caloocan Police chief, Senior Supt. Bartolome Bustamante na nakatala na ika-8 sa listahan ng mga wanted sa National Capital Regional Police Office si Ariño dahil sa pagkakasangkot sa iba’t ibang uri ng krimen.