Ina, 3 anak patay sa sunog sa Tondo, Maynila

Sa inisyal na ulat ni SFO2 Edilberto Cruz ng Manila Fire Bureau, nagsimula ang sunog dakong alas-11:29 ng gabi sa New Oriental Market, na sinasabing pagma-may-ari ng isang Ciara Tan sa Carmen Planas Street, malapit sa Sto Niño Church. Philstar.com/File Photo

MANILA, Philippines - Patay ang isang ina ka­sama ang tatlo niyang anak nang masunog ang kanilang bahay na nasa itaas na bahagi ng isang palengke  sa Tondo, Maynila, kama­kalawa ng gabi.

Kinilala ang mga nasa-wing sina Evelyn Verzosa,   at ang kanyang mga anak na sina Edison, 7; Michaela, 6 at Marsky 4, pawang na-ngungupahan sa itaas ng New Oriental Market na  nasa 975 Carmen Planas St., sa Tondo.

Isang Raffy Fernandez at isa pang hindi nakikilalang lalaki ang nasugatan sa naturang insidente.

Sa inisyal na ulat ni SFO2 Edilberto Cruz ng Manila Fire Bureau, nagsimula ang sunog dakong alas-11:29 ng gabi sa New Oriental Market, na sinasabing pagma-may-ari ng isang Ciara Tan sa Carmen Planas Street, malapit sa Sto Niño Church.

Tatlumpung minuto lamang nang itaas sa Task Force Alpha ang alarma ng sunog at idineklarang under control ala-1:07 ng madaling araw  at alas-6:02 ng umaga nang ideklarang fire-out.

Nagsisilbing pamilihan umano ang ibaba ng nasabing gusali at sa itaas na palapag naman ay ginawang residential na karamihang nakatira ay pamilya din ng mga vendor.

Patuloy pang inaalam ang tunay na dahilan ng pagsiklab ng apoy na hinihinalang sa iligal na koneksiyon.

Sinasabi ring unang nag-spark ang linya ng kuryen­te at nang lumaki  na ang apoy ay narinig ang tatlong sunud-sunod na pagsabog na hinihinalang tangke ng mga kalan.

Nakita pa umano ang ina ng mga bata na lumabas na habang nagkakasunog at bumalik muli sa itaas upang iligtas ang mga anak subalit bigo na silang makalabas ng buhay.

May 65 pamilya ang na-pinsala ng sunog at tinatayang nasa P5 milyon ang halaga ng napinsala.

Samantala, pinakikilos  ni Manila Mayor Joseph Estrada si Manila Department of Social Welfare (MDSW) chief Dr. Arnold Pangan na tulungan ang mga pamilya na nawalan ng tirahan laluna yung mga nasawi at nasaktan sa naganap na sunog.

Nabatid na idineklara nang “condemned” ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang naturang commercial-residential building ilang taon na ang nakaraan, ayon kay City Engineer Robert Bernardo.

Kinalungkot ni Estrada ang pagkamatay ng mag-iina, na aniya’y nagpatunay lamang na kailangan nang kumpunihin ang mga lumang public markets sa pamama­gitan ng isang joint venture agreement sa mga private developers. 

“Lumang-luma na ang mga public markets natin. Napakalungkot ‘pag may mga buhay na namang ma­wawala kung hindi pa tayo aaksyon ngayon na i-rehabilitate ang ating mga palengke,” pahayag ni Mayor Estrada.

Sa ilalim ng City Ordinance No. 8346 o Manila Joint Venture Ordinance, gigibain ang ilan sa 17 public markets sa lungsod upang bigyang-daan ang pagsa-saayos ng mga ito sa pama-magitan ng public-private sector partnership.

Ilan sa nakatakda nang i-rehabilitate ay ang mga public markets sa Quinta, Sta. Ana, Sampaloc, San Andres, Trabajo, Pritil, Dagonoy, at Paco.

Show comments