MANILA, Philippines – Kung madalas mag-viral ang mga video ng mga pasaway na mga taxi driver meron pa rin naman na mga tapat katulad ng ginawang pagsosoli ng isang naiwanang mga pera at gadget ng kanyang naging pasahero na aabot ng daang-libong piso sa Caloocan City Hall, kahapon ng umaga.
Sa halip na pag-interesan, dinala ni Arnolfo Bado, tsuper ng Rosewine taxi (UBR-305) sa Public Information Office ng City Hall ang hindi pa nabubuksan na tatlong malalaking itim na back pack.
Sa presensya ng mga mamamahayag, pinangunahan ni PIO Officer Lisa Valderama ang pagbukas sa mga bagahe na naglalaman ng P34,000 cash; mga US at Hongkong dollar bills na aabot sa P14,221.60, isang mamahaling DSLR camera, mga damit at passport na nakapangalan kay Victor Mark Marvancher, isang French national.
Sinabi ni Bado na sumakay sa kanyang taxi ang dalawang puting dayuhan sa may Lacson, Legarda, Maynila at nagpahatid sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 dakong alas-4 ng madaling-araw.
Nagtuluy-tuloy umano sa entrance ng paliparan ang mga dayuhan na nagmamadali habang umalis na siya makaraang mabayaran ang pasahe.
Natuklasan lamang ni Bado ang naiwang mga bagahe sa kanilang garahe sa Felomena Street, Brgy.13, Caloocan. Hindi na umano siya nag-isip ng masama at kusang dinala ang mga hindi nagalaw na bagahe sa city hall.
Pinuri naman ni Valderama ang pagi-ging tapat ni Bado. Nakatakdang makipag-ugnayan umano ang pamahalaang lungsod ng Caloocan sa pangunguna ni Mayor Oscar Malapitan sa French Embassy para maisoli ang mga naiwang bagahe at pera sa mga may-ari lalo na ang passport ni Marvancher.