MANILA, Philippines – Pangungunahan nina House Speaker Sonny Belmonte at Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang kauna-unahang ‘Solo Parent Summit’ sa Quezon City sa darating na February 8 ng umaga sa Amoranto Theater sa lungsod sa araw ng pagdiriwang ng Chinese New Year.
Ayon kay Vice Mayor Belmonte, layunin ng hakbang na kilalanin ang ginagampanang papel sa lipunan at mapalakas pa ang mga programa ng lokal na pamahalaan sa mga solo parents ng lungsod. Anya ang hakbang ay alinsunod sa Republic Act 8972 o ang Solo parent Welfare Act of 2000.
Tampok sa okasyon ang pagkakaroon ng 4Ks o ang Task Force for Solo Parent Association Inc. na siyang matamang titingin at titiyak na mapapagkalooban ng kaukulang pansin at pagkalinga ang mga solo parent sa QC.
Magiging keynote speaker ng proyekto si Vice Presidentiable Lenny Robredo na isa na ring solo parent ngayon.
Kasama sa tagumpay ng summit ang pakikipagtulungan ng iba’t- ibang tanggapan sa QC hall tulad ng lahat ng Department Heads ng City Health Department,Division of City Schools, Social Services Department gayundin ng Public Attorneys Office sa pangunguna ni Pao Chief Persida Acosta,QC Councilors at Department of Interior and Local Government.
Inaasahang may 1,500 solo parent leaders na lalaki at babae ang makikiisa sa naturang summit mula sa district 1 hanggang district 6 ng QC.