MANILA, Philippines – Pinalagan ni Manila mayoralty candidate at three termer 5th District Congressman Amado Bagatsing ang umano’y mga walang katotohanang balita na pinapakalat ng kanyang mga kalaban sa darating na eleksyon sa Mayo.
Ayon kay Bagatsing nang tanungin ng mga mamamahayag sa isang kapihan sa Malate, Maynila na maituturing na desperado na umano ang kanyang mga makakalaban dahil sa ipinagkakalat na siya ay mayroong karamdaman at hindi na siya tutuloy sa pagtakbo sa pagka-alkalde bagkus ay makikipagsanib puwersa na lamang umano sa kampo ng kanyang katunggali na si dating Mayor Alfredo Lim.
Si Lim at Manila Mayor Joseph Estrada ang makakalaban ni Bagatsing sa pagka-alkalde sa Maynila sa darating na eleksyon sa Mayo.
Kasabay nito, hinamon ni Bagatsing ang dalawa na sabay-sabay silang magpa-health test para umano malaman kung sino sa kanila ang may talagang sakit at para rin malaman kung sino sa kanilang tatlo ang maituturing na ‘fit to lead the city’.
Binatikos din nito ang administrasyon ni Estrada kasabay nang pagsasabing naging pahirap sa mga Manilenyo. “Pagkaupong-pagkaupo niya itinaas ang business tax, real property tax, nilagyan ng bayad ang mga hospitals, tinaasan ang mga bayad ng mga maliliit na vendors sa palengke, at kung anu-ano pa. Tapos ngayong malapit na ang eleksyon at kakailanganin aniya ang boto ng taumbayan, heto ngayon siya bigay dito, bigay doon.nagpapamudmod ng kung ano-ano, bawi dito bawi doon, in effect binibili niya ang boto ng mga ito. Ang liit ng tingin niya sa Manilenyo,” sambit pa ng kongresista.
Magugunitang kamakailan lamang ay iba’t ibang sektor ang nag-anunsyo ng pagsuporta sa kandidatura ni Bagatsing na sinasabing nangunguna rin sa mga local surveys sa lungsod .