MANILA, Philippines – Sisimulan na sa Martes ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na baklasin ang lahat ng illegal posters at campaign materials sa mga lugar na hindi itinalaga ng Commission on Election sa buong Kalakhang Maynila.
Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, nasa 12 teams ang kanilang nilikha na nagmula sa ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan upang i-deploy ang mga ito sa buong Metro Manila.
Unang papasadahan ng mga ito ang pagbaklas sa mga poster na nakalagay sa mga puno, poste, traffic lights, cable wiring, fences at waiting sheds.
Katulong ng MMDA ang Department of Public Works and Highways (DPWH), na deputized din ng COMELEC, na magtatanggal ng mga illegal campaign poster, streamers at tarpaulins ng mga kandidato.
Ayon kay Carlos, titiyakin nila ang kaligtasan ng team na magtatanggal ng mga poster at illegal campaign materials, dahil i-eskortan ang mga ito ng mga miyembro ng ng Philippine National Police (PNP) at opisyal ng COMELEC.
Hindi naman tatanggalin ang mga poster at campaign materials na nakalagay sa mga lugar na itinalaga ng COMELEC.
Base naman sa nakasaad sa Republic Act 9006 or the Fair Election Act, na maaaring maglagay ang isang kandidato ng kanyang poster o campaign materials sa mga pribadong lugar na may pahintulot ang may-ari nito.
Sinabi ng naturang opisyal, ang lahat ng lalabag ay irereklamo sa tanggapan ng COMELEC para sa agarang aksiyon laban dito.