MANILA, Philippines – Bumagsak sa mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang Korean national na bumibiktima ng mga kababaihang Pinay sa mail order bride scam sa isinagawang operasyon sa Makati City kamakalawa.
Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Victor Deona ang nasakoteng suspect na si Jong Beon Lee ,alyas Lee Jong Beon.
Alas – 4:45 ng hapon ng masakote ang suspect ng mga elemento ng PNP-CIDG Women and Children Protection Unit PNP-CIDG-WCPU) at Detective and Special Operations Unit sa Polaris Street, Bel-Air , Makati City.
Sinabi naman ni Supt. Emma Libunao, hepe ng PNP-CIDG-WCPU na si Lee ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest sa kasong paglabag sa Republic Act 6955 ( mail order bride ) at paglabag sa RA 9208 na inamyendahan bilang 10364 ( trafficking on a large scale ).
Nabatid na ang modus operandi ng suspect ay mangumbinsi ng mga kababaihang Pinay sa illegal na aktibidades nitong mail order bride pero pagdating umano sa South Korea ay nasasadlak sa kapariwaraan.
Samantalang hihingan rin umano ang mga biktimang Pinay ng malaking halaga na kunwari’y gagamitin sa pagpoproseso ng mga dokumento para makapagpakasal ang mga ito sa mga Koreano at magkaroon ng magandang buhay sa South Korea .
Kasalukuyan na ngayong humihimas ng rehas na bakal ang nasakoteng Koreano habang patuloy rin itong isinasailalim sa masusing imbestigasyon kaugnay ng pagkakasangkot sa katiwalian.