MANILA, Philippines – Arestado ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang 49-anyos na dating security guard na nagpanggap pang police officer sa America, kaugnay sa reklamong grave threat, violation of anti-photo and video voyeurism law, robbery/extortion, 6 counts ng rape, at estafa sa isang babaeng nais mamasukan sa ibayong dagat.
Sa ulat ng NBI-Anti-Organized and Transnational Crime Division (AOTCD), dumulog sa kanilang tanggapan ang isang 30-anyos na misis, tubong Ilagan, Isabela at residente ng Norzagaray, Bulacan, dahil sa patuloy na pangongotong ng isang Ricardo Arquero Jr., tubong Isabela at nanunuluyan sa Parañaque City.
Kahapon ay iprinisinta ni Atty. Aristotle Adolfo, supervising agent ng NBI AOCTD, ang suspek na nadakip dakong alas -10:30 ng umaga kahapon sa isang kuwarto sa Hotel 99 sa Cubao, Quezon City.
Salaysay ng biktima, sa pagnanais niyang makapagtrabaho sa Singapore, nag-search siya ng recruitment agency at nakilala niya ang suspek. Nahimok siya ng suspek na makipagkita sa isang food chain sa Cubao, Quezon City noong Setyembre 2015 sa pangako na ipapasok na shop server sa internet café sa Alaska, USA na pag-aari ng ina ng suspek na may sweldong $850 o katumbas na P40,000.
Nang nasa loob ng hotel ay pwersahan siyang pinainom ng isang tablet ng suspek at nahilo kaya nagawa ng suspek na hubaran siya at mapagsamantalahan.
Kasunod nito ay hiningan pa siya ng P12,000 para sa processing fee at nakunan pa umano ng sex video at larawang nakahubad.
Tinangay din ng suspek ang kaniyang cellphone na nagkakahalaga ng P28-libo.
Ilang ulit siyang tinawagan noong Oktubre na magpadala sa Cebuana Lhuiller ng kabuuang P12,000 na sinunod niya sa takot sa banta na ipo-post sa Facebook ang kanilang sex video at mga hubad niyang larawan.
Ilang ulit pa siyang nagbigay ng karagdagang bayad sa suspek na umabot na P49,000 at naulit pa ng 5 beses ang panggagahasa sa kaniya.
Muli siyang tinakot sa mga sumunod na buwan at kung hindi umano magbibigay ay ita-tag din sa FB ang asawa, mga kaanak at kaibigan upang siya ay mapahiya.
Dahil walang pera noong Disyembre ay hindi naibigay ng biktima kay Arquero ang kakulangang P5,000 at nagulat siya nang makita sa FB ang sex video at nude photos dahilan upang magsuplong sa NBI.
Napilitang manirahan sa Maynila ang biktima dahil iniwan na siya ng asawa at mga anak dahil sa pangyayari.
Lingid sa kaalaman ng suspek, nang muli silang mag-usap ng biktima ay nangako ang huli na ibibigay na ang kakulangang halaga, subalit sa pagkakataong iyon ay mga ahente na ng NBI ang kasama ng biktima na umaresto sa suspek.
Nadiskubre din ng NBI na modus operandi ng suspek ang mambiktima ng mga babae sa FB para sa sextortion.