MANILA, Philippines – Sinisiyasat pa ng pulisya kung pinatay ba o nagpakamatay ang isang kawani ng isang cellphone company nang matagpuan ang bangkay nito na nakasuklob sa ulo nito ang isang plastic sa loob ng sasakyan nito habang nakaparada sa parking area ng isang hotel sa Pasay City kahapon.
Kinilala ang biktima sa pamamagitan ng identification card na nakuha dito na si Jose Florencio, 33, binata, empleyado ng Samsung, at naninirahan sa West Avenue Brgy. Bungad, Quezon City.
Ayon sa ulat na natanggap ni Senior Supt. Joel B. Doria, hepe ng Pasay City Police, alas-9:25 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima mismo sa loob ng kanyang sasakyan sa parking area ng Base 2 Remington Hotel, na matatagpuan sa Villamor Airbase ng naturang lungsod.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, habang nagroronda ang guwardyang si Maniel Katarungan, 27, ng Lanting Security Agency, nalanghap nito ang masangsang na amoy mula sa nakaparadang kulay gray na Honda City na may plakang UZQ- 474 sa slot-no. 25, basement 2 sa parking area ng nasabing hotel.
Kaagad itong pinuntahan ni Katarungan upang alamin ang nalalanghap niyang mabahong amoy kung saan nasilip nito ang biktima sa loob ng sasakyan na may nakasaklob na transparent plastic sa ulo, na may nakalagay na hose na naka-konekta naman sa isang cylinder balloon tank na may laman na hinihinalang helium gas na siyang ginagamit na pampahangin sa mga lobo.
Agad niya itong inireport sa hotel security na tumawag naman sa pulisya.
Bago ito, nabatid na nag-check-in ang biktima sa naturang hotel noong Enero 30 ng taong kasalukuyan at inokupa nito ang room 5065 at lumabas ito kinabukasan ng alas-5:04 ng hapon.
Kahapon na ng umaga nang matagpuan ang bangkay nito.
Ayon sa pulisya, intact naman ang mga personal na gamit ng biktima. Sa pagsisiyast nalaman na mahilig umano itong maglaro sa casino.