Vendors, muling lumusob sa Balintawak

Muling nagsagawa  ng kilos-protesta ang mga stall owners at vendors sa mga palengkeng ipinasara sa Balintawak sa Lungsod Quezon kahapon. (Kuha ni Boy Santos)

MANILA, Philippines – Muling nilusob kahapon ng mga vendors ang Balintawak area sa Quezon City sa pangunguna ng Samahan ng mga Magtitinda ng QC upang iparating ang mariing pagkondena sa ginawang pagsasara ng pamahalaang lungsod sa tatlong pribadong palengke sa naturang lugar.

Ayon kay Miguelito Batoon Mangunay, spokesman ng naturang samahan, kinokondena nila ang ginawang pagsasara sa naturang private markets.

“Wala na kaming magagawa pero yung sinasabi ng QC hall na ililipat sa public market ang mga apektadong vendor, imposible nang mangyari yun, di kami ma-aaccomodate dun”, pahayag ni Mangunay.

Anya, gumagawa talaga ng matinding paraan ang QC government para  maisara ang lahat ng private markets sa Balintawak dahil plano umano na ipatayuan ng  malaking mall sa buong Balintawak.

 Sa kanyang panig, sinabi ni Noel Soliven, chief, Market Administrations Office ng QC na walang dahilan para e-privatize at gawing mall ng QC government ang Balintawak.

 “Unang una, ang siyam na maliliit na palengke sa Balintawak ay privately owned, pribadong mga tao ang may-ari nito, so paano magagawang mall ito ng QC government” kami sa lokal na pamahalaan, implementor lang kami ng batas para sa kalinisan at kaayusan ng palengke, nakita naming dugyot at maraming mga paglabag sa rules and regulations ng batas sa QC ang mga palengke, pinag comply namin sila, so  ang mga nag-comply, operational pa rin pero yung hindi nagcomply na tatlo, tuluyan na naming sinara,’’ paliwanag ni Soliven.

Ang mga paglabag na ginawa ng tatlong palengke ay tulad ng walang sanitation permit, walang environmental clearance,walang building permit, walang sewage treatment facility at iba pa.

Show comments