Finance officer itinumba, idedepositong pera tinangay pa

MANILA, Philippines – Dead-on-the-spot ang isang 40-anyos na finance officer ng tindahan ng appliances nang buntutan ng 4 hanggang 5 lalaki at saka barilin sa Quiapo, Maynila, kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Evelyn Dacatimbang, empleyado sa loob ng 10 taon ng A-Zone Appliances and  Electronics Center na matatagpuan sa panulukan ng Rizal Avenue at Ronquillo St., Sta. Cruz, Maynila. Nagtamo ito ng tama ng bala ng baril sa tenga na tumagos at bumasag sa kanyang panga.

Hinihinalang nasa 4 hanggang 5 lalaki na magkakasabwat ang nagsagawa ng krimen na pinaniniwalaang pakay ang dalang pera ng biktima, batay sa hiwa-hiwalay na kuha ng iba’t ibang closed circuit television (CCTV) sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Sa ulat  ni PO3 Bernardo Cayabyab kay Senior Ins­pector Rommel Anicete, naganap ang insidente dakong alas-10:10 ng umaga sa P. Gomes St., malapit sa panulukan ng R. Hidalgo St.

Sa pagtaya, may tumayong pointer, may nakaabang sa lugar at  habang naglalakad ang biktima ay may sumusunod sa kaniya mula nang siya ay lumabas sa tindahan dala ang bag na naglalaman ng humigit-kumulang sa P300-libo na benta umano ng dalawang sangay ng tindahan para ideposito sa banko.

Nabatid na matapos barilin ang biktima at saka naman tinangay ng mga suspek ang bag na naglalaman umano ng salapi.

Malaki ang hinala ng awtoridad, nasubaybayan ng mga suspek ang galaw o routine at pattern ng dinaraanan ng biktima sa tuwing magdedeposito ito sa banko ng kita ng tindahan.

“Kaya malaki ang hawak na pera ng biktima kasi nung Biyernes ay kinolekta na ang kita, Sabado at Linggo ay kinolekta rin dahil walang banko ay Lunes talaga ang pagdedeposito, hindi kagaya ng kinita ng Lunes hanggang Huwebes ay araw-araw daw inihuhulog sa banko,” ani Cayabyab.

Naging sagabal naman ang malalaking ‘payong’ at santambak na sidewalk vendors sa lugar  para hindi mahagip ng mga CCTV ang mga pangyayari.

Sa kabila ng dami ng vendor at taong naglalakad ay wala ni isang sumaklolo sa biktima.

Show comments