MANILA, Philippines – Ngayon Pebrero na Buwan ng mga Puso, pagtutuunan ng pansin ng mga city hospital at health centers ang serbisyong medikal sa mga Manileños na may sakit sa puso gayundin ang pagtuturo ng paraan upang makaiwas sa naturang sakit.
Ayon kay Manila Health Department chief, Dr. Benjamin Yson, inatasan na sila ni Manila Mayor Joseph Estrada na magbigay ng libreng heart care services.
“Lahat po ng aming mga ospital laluna yung mga health center ay magbibigay ng libreng heart care services. Ang mga ito ay regular nating serbisyo pero lalo itong akmang-akma ngayon dahil sa pag-obserba natin ng Heart Month o Buwan ng Puso ngayong Pebrero,” ani Yson.
Ani Yson, madalas na sabihin ni Estrada na gumalaw, kumilos at mag-exercise dahil ang kalusugan lalo na ang puso ay mahalaga.
Ilan sa mga regular na Heart Month-related services ay BP Watch (Blood Pressure monitoring). Maghahanda rin ang MHD ng Complete Blood Count (CBC), Fasting Blood Sugar (FBS) at Total Cholesterol Level tests para sa lahat. Sinumang makikitaang may problema sa puso ay bibigyan ng gabay sa management, at kung kailangan ng gamot ay titiyakin natin ang kanilang gamot.”
Tinatayang 10,000 Manilenyo ang maseserbisyuhan.