MANILA, Philippines – Tenement, vertical housing o bliss.
Ito naman ang binigyan-diin ni Manila Vice Mayor Isko Moreno Domagoso na kanyang isusulong sa Senado sakaling mahalal siya bilang senador sa Mayo.
Ayon kay Domagoso, ito ang kanyang nakikitang solusyon upang hindi na dalhin sa iba’t ibang lugar o irelocate sa kalapit lalawigan ang mga squatters. Hindi aniya maikakaila na talamak ang problema ng squatters sa iba’t ibang lungsod.
Paliwanag ni Domagoso, maaaring magpatayo ng tenement, vertical housing o bliss ang city government sa mga lupang pag-aari ng lungsod upang hindi na malayo pa ang squatters sa kanilang mga trabaho o hanap-buhay.
Hindi na rin mangangamba pa ang squatters na maapektuhan ang kanilang pag-aaral dahil malapit na lamang ang kanilang mga eskuwalahan. Ito ang kadalasang mga dahilan ng mga squatters kung kaya’t matigas ang pagtanggi ng mga ito na madala sa relocation site.
Dagdag pa ni Domagoso, kailangan na solusyunan ang problema sa squatters dahil responsibilidad din ng pamahalaan na maiangat ang kalidad ng pamumuhay ng mga ito.