MANILA, Philippines – Isang hindi pa nakikilalang bangkay ng isang lalaki na nakasilid sa sako ang natagpuan sa loob ng isang ginagawang KTV bar sa Pasig City kahapon ng umaga.
Dakong alas-10 ng umaga kahapon ng madiskubre ang naaagnas ng bangkay sa loob ng nire-renovate na Violet KTV bar sa #52 Urbano Velasco Ave., corner Acacia St., Brgy.
Pinagbuhatan, Pasig City.
Ayon kina Fernando Bardaje at Domingo Avila, kapwa construction worker, abala sa pagkukumpuni sa KTV bar nang makalanghap sila ng masangsang na amoy na nagmumula sa loob ng bar.
Tinunton ng dalawa ang pinagmumulan ng amoy hanggang makita nila ang isang sako na nakatali.
Binuksan nila ang sako at nakita sa loob ang isang itim na garbage bag kung saan nakasilid ang bikitma. Nakaposas ang kamay at paa ng biktima na hinihinalang pinahirapan muna bago tuluyang pinatay sa saksak.
Hinala ng pulisya, sa ibang lugar pinatay ng biktima at dinala lamang sa ginagawang KTV bar upang iligaw ang imbestigasyon.
Samantala, bangkay din ng isang lalaki na inilarawang nakasuot ng kulay pulang polo shirt, puting short pants, nasa pagitan ng edad na 25-30, may taas na 5’3 at kayumanggi ang natagpuang may tama ng bala sa kanyang ulo habang nakahandusay sa isang kalye sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Sa ulat ni PO2 Roldan Cornejo ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), ang biktima ay nadiskubre ng isang Nanjie Macarampat, barangay tanod sa Brgy. Culiat, sa may Lanao St., Al Salaam Mosque compound, Barangay Culiat, ganap na alas-8 ng umaga. Patuloy ang pagsisiyasat ng CIDU sa nasabing insidente. (Ricky T. Tulipat)