MANILA, Philippines – Sa ikatlong pagkakataon ay muling naaresto ng mga awtoridad ang isang pusakal na holdaper at snatcher sa Marikina City kahapon ng tanghali.
Ang walang kadala-dalang suspect ay kinilalang si Jericho Ballaran, alyas Bibe, residente ng Barangay Tumana, Marikina City.
Dakong alas-12:45 ng tanghali nang madakip ng pulisya ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte laban sa kanya dahil sa kasong pagnanakaw habang nag-aabang ng kanyang panibagong biktima sa Farmer 1, Marikina.
Sa rekord ng pulisya, nabatid na dalawang beses ng nadakip ang suspek dahil din sa kasong pagnanakaw, pero nakakalabas lamang ng kulungan dahil sa piyansa.
Kapag nasa laya na ang suspek ay muling isinasagawa ang kanyang illegal na gawain haggang muling maaresto kahapon.
Nananawagan si P/Chief Insp. Eduardo Cayetano, hepe ng Warrant and Subpoena Section ng Marikina sa mga unang naging biktima na suspek na magtungo sa himpilan ng pulisya upang masampahan ng dagdag na kaso at hindi na makalaya pa.