MANILA, Philippines – Patay ang isang foun-der at president ng Bangsamoro Overseas Filipino Workers Organization (BOFWO), isang non-government organization para sa mga Christian at Mus-lim, nang barilin ng isang lalaki habang naglalakad mula sa Islamic mosque sa Baseco compound, Port Area, Maynila, kahapon ng hapon.
Isinugod pa sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center subalit idineklarang patay ang biktimang kinilalang si Guro Nasra Onsok, 46, residente ng Block 14, Baseco compound habang ang natamaan ng ligaw na bala sa hita na kinilalang si Zaldy Ramirez, 58, foreman-contractor ng Oncina Costruction Corp., residente ng Indang, Ca-vite City.
Nakapiit na sa Manila Police District-Homicide Section detention faci-lity ang suspek na kinilalang si Mark Cantutay, 32, glass installer ng Block 32, Phase 2, Navotas City.
Sa ulat ni SPO2 Jonathan Bautista dakong alas-12:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa Block 14, Baseco, Port Area habang naglalakad umano ang biktima na kagagaling pa lamang uma-no sa panalangin mula sa kanilang mosque, nang biglang asintahin sa ulo ng nag-aabang na suspek.
Dahil sa nasaksihan ng mga residente, nagtulung-tulong silang habulin at kuyugin ang suspek.
Dahilan ng suspek, iginanti lamang umano niya ang isang kaanak na binuhusan umano ng biktima ng mainit na tubig. Nagawa pa umano niyang mag-ipon ng pera kaya nakabili ng kalibre .45 baril na ginamit sa krimen.
Naniniwala naman ang mga awtoridad na may mas malalim na motibo sa krimen.
Gayundin ang paniniwala ng mga kasamahan ng biktima sa BOFWO dahil hindi umano nila kakilala ang suspek at walang kinalaman ito sa kanilang relihiyon.